Nakatanggap ng tig-P10,000 na insentibo mula sa Provincial Government of Cagayan (PGC) ang kabuuang 204 na Club Numero Uno beneficiaries ngayong araw ng Huwebes, Pebrero-23.
Ang naturang distribusyon ay naganap sa Commissary, Capitol Grounds, Penablanca kung saan pinangunahan ito ng unang ginang na si Atty. Mabel Villarica-Mamba bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba, katuwang sina Consultant on Education, Claire Lunas at Consultant for Human Resource Management na si Ma. Alda Natividad at ilang mga empleyado ng Provincial Treasury Office (PTO).
Sa naging mensahe ng unang ginang kanyang pinasalamatan ang mga empleyado ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) at PTO na siyang naging katuwang ni Lunas sa pag-aasikaso sa mga benepisaryo. Nakatuon din sa kanyang mensahe ang pagpapaalala sa mga Club Numero Uno recipients sa kung ano ang kanilang magagawa bilang mga nanguna o nangunguna sa kanilang klase.
Aniya, bilang mga top student ay nagsisilbi umano silang role model para sa kanilang mga kapwa kabataan o mag-aaral kung kaya hinikayat niya ang mga ito na ipagpatuloy ang kanilang nasimulan at manatiling maging mabuti sa kanilang kapwa.
“They know na hindi kayo pasaway. Alam nila na dapat kayong pamarisan kaya binuo ni Governor Mamba ang Club Numero Uno dahil gusto niya na maipagpatuloy ninyo ang pagiging mabuting ehemplo, mabuting halimbawa sa kapwa ninyo kabataan. Kaya ganito na lamang ang pangangalaga ni Governor sa inyo,” pahayag ni Atty. Villarica-Mamba.
Samantala, emosyonal namang nagpahayag ng kanyang pasasalamat kay Gov. Mamba si Rusita Pamittan ng Malalinta, Tuao, Cagayan, lola ng isang Numero Uno recipient dahil sa natanggap ng kanyang apo na insentibo.
Aniya, bilang tagapangalaga sa kanyang mga apo na kabilang sa broken family, ay malaking tulong na umano ang naturang halaga para makabili siya ng karagdagang gamit para sa pag-aaral ng kanyang apo. Hindi kasi aniya sapat ang kanyang honorarium bilang Barangay Health Worker (BHW) sa kanilang barangay para ipangtustos sa pangangailangan ng mga apo niyang nag-aaral sa kolehiyo.
“Permi ti panagyamyaman mi nga nagannak kenni Gob.Mamba gapu ta adda ti kastuy nga programa na para kadagiti annak kada appuku mi nga nag-valedictorian met. Dakkel nga tulung atuy naala mi ita nga gatad ma’am tapno mabayadan mi ti amin nga kasapulan nga bayadan idiay iskwela,” emosyonal na pahayag ni Pamittan.
Gayundin ang pasasalamat ni Robert Zalun ng Bulagao, Tuao na ang hanapbuhay ay nakikisaka lamang sa bukid ng iba. Aniya, malaki ang pasasalamat niya unang-una sa kanyang anak na hindi nagpapabaya sa kanyang pag-aaral kung kaya isa siya sa mga nabiyayaan ng insentibo. Labis din niyang pinasalamatan si Gob. Mamba dahil sa pagbibigay din niya ng parangal sa mga katulad ng anak niyang nanguna sa klase.
“Dakkel a ti panagyam-yaman mi kenni apo Governor Mamba ma’am gapu ta haan na met baybay-an dagiti kapada ti annak mi nga agis-iskwela ti nalaing. Mas lalo met nga ma-inspire da nga agadal gapu ta adda ti kakastuy nga programa nga talaga nga makatulung iti panagadal da,” sambit ni Zalun.
Nangangako naman si Ashlynadin Abania, Numero Uno Recipient na mula sa Nanungaran, Rizal, Cagayan na kanyang sisikapin at pag-iigihan pa ang kanyang pag-aaral sa kursong Bachelor of Science in Biology sa Saint Paul University Philippines (SPUP) upang masuklian ang ama ng lalawigan sa kanyang walang patid na suporta sa mga katulad niya.
Aniya, bilang isa sa mga recipient ng Club Numero Uno ay makikibahagi siya sa panawagan ng ama ng lalawigan tungo sa good governance.
“Alam ko po na hindi naghahangad si Gob.Mamba ng kapalit sa mga programa po niya. Pero as Numero Uno recipient, bilang sukli ko po sa pagbibigay niya ng halaga sa mga tulad namin ay makikibahagi din po ako sa kanyang mga adhikain lalo na po sa good governance dahil gusto ko po na magpatuloy ang mga ganitong klase ng kanyang programa hindi lamang sa batch po namin kundi para sa mga susunod pang batch ng Valedictorians or Top 1 po,” saad ni Abania.
Ang Club Numero Uno program ay programa ni Gov. Mamba noon pang siya ay Congressman pa ng tersera distrito ng Cagayan at muli niya itong binuhay nang siya ay maluklok bilang Gobernador ng lalawigan. Layon nito na kilalanin ang husay ng mga mag-aaral na nangunguna sa kanilang klase sa pribado at pampublikong paaralan.