Bilang bahagi ng Rabies Awareness Month ngayong buwan ng Marso ay naging matagumpay ang isinagawa ng Provincial Veterinary Office ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na libreng kapon at ligate sa mga alagang aso at pusa sa Pamplona at Lal-lo.
Nitong nakalipas na March 15 ay sa bayan ng Pamplona ginanap ang aktibidad na ito ng PVET, habang kahapon, ika-16 ng Marso ay isinagawa naman sa Sub-Capitol sa Bangag, Lal-lo kung saan ay pinangunahan ito ni Dr. Noli Buen, ang Acting Provincial Veterinarian.
Ayon kay Dr. Myka Ponce, Veterinarian II ng PVET na napagsilbihan ng libreng kapon at ligate ang 28 na mga alagang aso at pusa. Kasabay rin umano dito ang libreng anti-rabies vaccine sa mga hindi pa bakunadong aso at pusa.
Matatandaan na noong March 2 ay isang massive vaccination ang isinagawa ng PVET sa Tuguegarao City at pamimigay ng 50 doses ng anti-rabies vaccines sa mga pribadong clinic na libreng bakuna rin sa mga alagang aso at pusa sa lungsod.
Nagsagawa rin ng isang motorcade at Information and Education Communication (IEC) campaign kaugnay sa Rabies Awareness Month at massive vaccination ng anti-rabies sa Lal-lo. Ang bayan ng Tuao ay nagkaroon rin ng anti-rabies at hemosep vaccination sa mga kalabaw at baka.
Ang tema ng isang buwan na aktibidad ay “March is Awareness Month. Rabies-Free na Pusa’t Aso, Kaligtasan ng Pamilyang Pilipino. MAGPABAKUNA NA!”.Hinihikayat muli ng PVET ang lahat ng pet owners sa Cagayan na ipabakuna ang kanilang mga alagang aso at pusa ngayong buwan ng Marso.