Pormal nang binuksan ng Schools Division Office o SDO Cagayan ang kauna-unahang Cagayan Provincial Athletic Association (CPAA) Meet sa lalawigan matapos ang halos dalawang taon na pagkaparalisa ng mga aktibidad tulad ng sports activities dahil sa pandemiya.

Mismong si Atty. Mabel Villarica-Mamba, na kinatawan ni Governor Manuel N. Mamba ang nanguna sa seremonya ng muling pagbubukas ng Provincial Meet ngayong araw ng Miyerkules, Marso-16 na ginanap sa Cagayan Sports Complex, Tuguegarao City.

Sinimulan ang seremonya sa pamamagitan ng Congressional Banner Raising na sinundan naman ng maikling Zumba dance exercise na nakapagpataas pa lalo sa excitement ng mga atleta. Sumunod namang nagbahagi ng mensahe ang unang ginang ng lalawigan na kung saan sinabi niya na ang ama ng lalawigan na si Gob. Mamba ay mahilig din sa larangan ng palakasan kung kaya alam din niya mismo ang mga pangangailangan ng mga atleta na kailangang bigyan ng pansin.

Ibinahagi din niya na simula ng maupo si Gov. Mamba bilang Gobernador ng lalawigan noong 2016 ninanais niyang gawin ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na relevant, dynamic at proactive.

“Since the Governor assumed office in 2016, he wanted to make the Provincial Government of Cagayan relevant, dynamic and proactive. Whereas before, it seemed we can exist even without the PGC, go about our regular routine as long as the barangay, the municipal and the city government as well as the national government are doing their job. We hardly noticed what the provincial government can actually do. But now it’s unimaginable not to have the PGC involved even in our daily lives. Governor Mamba showed us that the PGC acually matters a lot,” saad ni Atty. Villarica-Mamba.

Matatandaan naman na isa sa mga programa ng Gobernador ang pagpapalakas pa sa mga atletang Cagayano, kung saan namamahagi ang PGC ng insentibo sa mga atletang nagpapakita ng husay sa mga kumpetisyon tulad ng CAVRAA at Palarong Pambansa. Patuloy din ang pagpapaganda ng imprastraktura na pang-sports sa lalawigan tulad na lamang ng Cagayan Sports Complex na pinaganda ng husto ang mga pasilidad nito upang malinang pa ang mga kakayahan ng mga atleta sa probinsiya.

Samantala, ibinahagi naman ni Princess Dulin, atleta ng sports na futsal ng Enrile Vocational High School na layon ng kanyang team ang tanghaling kampeon sa provincial meet ngunit, kung hindi man sila palarin ay ayos lamang dahil sa una pa lamang ng aktibidad ay masaya na sila dahil sa wakas ay nakalabas na din sila at naging bahagi pa sila ng provincial meet kung saan maipapamalas na nila ang kanilang husay sa larangan ng palakasan matapos ang ilang taon ng pandemya.

Maging ang medical team ng Health and Education Section ng DepEd ay excited din sa naturang aktibidad. Ayon kayDr. Henrieta Cubero, Dentist-in-charge, puspusan ang kanilang naging paghahanda sa provincial meet.

Siniguro din nila na ang mga manlalaro ay fully vaccinated. Umaasa din si Cubero na sana ay wala sa mga atleta ang magtamo ng injuries ngunit kung sakaling mayroon man ay lagi namang nakahanda ang kanilang team sa mga pangangailangang medical ng mga manlalaro.

Dagdag pa dito, pinangunahan naman ng mga leader ng palarong pambansa ang lighting of torch bilang simbolo ng opisyal na pagsisimula ng kompetisyon, simbolo ng kapayapaan, pagkakaibigan, tolerance at pag-asa. Sinundan din ito ng pagbasa ng panunumpa ng mga atleta maging ng mga tagapag-hatol at mga tagapagsanay.

Pinasalamatan naman ni Dr. Orlando Manuel, School’s Division Superintendent, ang lahat ng mga Cagayano sa patuloy na pakikiisa upang mapanatili ang Alert Level 1 ng lalawigan. Maging ang PGC ay taos-puso din niyang pinasalamatan dahil sa napakagandang Sports Complex.

Ang provincial meet ay nagsimula ngayong araw at magtatagal naman hanggang sa araw ng Biyernes.