Isinagawa ang isang komprehensibong pagsasany ng Hydroponics at Aquaponics Farming System ng 52 estudyante ng Cordova National Agri-Tourism School at Alcala Rural School sa Cagayan Farm School and Agri-Tourism Center sa Anquiray, Amulung, Cagayan.

Isinagawa ang aktibidad kahapon, Enero 30, 2026, na may layuning palakasin ang kaalaman ng kabataan sa makabago at sustenableng pamamaraan ng pagsasaka.

Ayon pa sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA), ang nasabing training ay isa ring alternatibong farming systems na hindi nangangailangan ng tradisyunal na lupa kung saan nasisiguro nito ang food security at environmental sustainability.

Ang aktibidad ay pinangunahan ng mga technical staff ng OPA na nagbahagi ng teknikal na kaalaman ukol sa tamang pag-set up, pamamahala, at maintenance ng hydroponics at aquaponics systems.

Tinalakay rin ang mga benepisyo ng mga sistemang ito, tulad ng mas episyenteng paggamit ng tubig, mabilis na paglaki ng halaman, at integrasyon ng isda at gulay sa iisang production system sa aquaponics.

Naging bahagi rin dito ang hands-on demonstration, kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na aktuwal na maranasan ang pag-aalaga ng mga pananim gamit ang makabagong sistema upang direktang maiugnay ang teorya sa aktuwal na aplikasyon.

Ayon sa mga tagapagsanay, mahalagang maagang mahubog ang interes at kakayahan ng kabataan sa modernong agrikultura upang maging handa sila sa mga hamon ng buhay.

Samanatala, ang iba’t ibang pagsasanay sa Cagayan Farm School ay kaugnay sa adhikain ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay na mahikayat ang mga kabataan na tangkilikin, pagpatuloy ang mga paraan ng pagsasaka, at magsisilbing inspirasyon bilang mga makabagong solusyon sa agrikultura sa kanilang mga komunidad.