Matagumpay na isinagawa ang 4th Librarians Summit ng Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) sa pakikipagtulungan ng Philippine Librarians Association, Inc. Cagayan Valley Librarians Regional Council (PLAI-CVLRC) nitong Agosto 18-19, 2026 sa National Educators Academy of the Philippines (NEAP), Department of Education (DepEd) Region 02, Tuguegarao City.

Pinangunahan nina Michael Pinto, Cagayan Provincial Librarian at CPLRC head, Juliet Villanueva, President ng PLAI-CVLRC; Benjamin D. Paragas, Regional Director ng DepEd RO2, at Marissa Gonzales, Senior Consultant for Digital Transformation, Smart Province and Innovation Systems at opisyal na kinatawan ni Gobernador Edgar “Tatay Egay” Aglipay ang pagbubukas ng aktibidad. Kasama naman sina Dean Rhea Rowena Apolinario, Prof. Carina Samaniego, at Joseph Yap mula sa University of the Philippines, Diliman bilang mga tagapagsalita; at si Arnel Melad ng Professional Regulation Commission.

Ang mga kalahok ng summit ay mula sa mga miyembro ng Cagayan Librarians Consortium, iba’t ibang public at school librarians sa mga LGUs sa Cagayan, Rehiyos Dos, Ilocos Region, at mga public at private schools.

Ang tema ng pagtititpon ay “Redefining Librarianship in the Era of Digital Transformation and Innovation” kung saan naging pangunahing mga paksa ang hamon ng digital transformation sa librarianship sa makabagong panahon at ang papel ng librarians sa henerasyon na ito. Bahagi sa mga tinalakay ay ang tamang paggamit ng AI sa propesyon, ang paglaban sa misinformation, at ang pagharap sa generational gap.

Nagpahayag ng pasasalamat si Pinto sa lahat ng naging bahagi ng 4th Librarians Summit. Aniya, ang aktibidad ay isang pagkakataon upang magtipon-tipon ang librarians hindi lamang sa lalawigan ng Cagayan, maging sa rehiyon at sa ibang parte ng Pilipinas. “Ito din ay isang oportunidad upang malaman natin ang trends sa ating propesyon,” aniya.

Samantala, nagbigay ng mensahe si Gob. Aglipay sa pamamagitan ni Gonzales, kung saan binigyang-diin ng Ama ng Lalawigan ang kahalagahan ng mga aklatan at ang halaga ng papel ng librarians bilang mga tagapagtaguyod ng kaalaman at mga lider sa komunidad.

“Naniniwala si Gob. Egay na ang mga aklatan ay dapat maging accessible sa lahat, na dapat ang mga ito ay patuloy na yakapin ang pagbabago at maging handa sa pagbabago, at patuloy na pundasyon ng kaalaman at katotohanan,” ani Gonzales.

Sinambit din ni Gonzales ang buong suporta ng Gobernador sa mga pagtatayo at pagsusulong ng mga silid-aklatan, digital infrastructure, at edukasyon ng kabataan. Bahagi ito ng kanyang E.G.A.Y. Governance Platform kung saan ang edukasyon at kapakanan ng mga kabataan ang isa sa sentro ng kanyang mga programa.

Samantala, nagkaroon din ng product demonstration ang ilang mga kumpanya tulad ng EBSCO, New Century Books, A2Z Learning Hub, at LIT Philippines Inc. sa pagititipon.