
Opisyal nang sinimulan ang 4th Cagayan Valley Rescue Jamboree 2025 ngayong Lunes, Pebrero 24, 2025 sa Barangay Minanga, Gonzaga Cagayan.
Ang Rescue Jamboree 2025 ay may temang “One Region, One Mission, No Boundaries” na magaganap hanggang sa araw ng Biyernes, Pebrero 28, 2025.
Ito ay pangungunahan ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), kung saan ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang lalawigan ang magsisilbing host ng nasabing aktibidad.
Sa loob ng limang araw, sasailalim ang mga kalahok sa iba’t ibang aktibidad na naglalayong palakasin ang kanilang kakayahan sa pagtugon sa iba’t ibang emergency situations.
Mainit naman na tinanggap ni Gonzaga Mayor Marilyn Pentecostes ang mga kalahok kung saan sinabi nito na isa itong mahalagang pagkakataon upang matuto mula sa isa’t isa ang mga rescue team upang lalo pang palakasin ang kanilang kakayahan sa pagtugon sa mga sakuna.
“I am honored to welcome you all to our municipality as we host this event. This Jamboree is an excellent opportunity for us to learn from each other, share best practices and enhance our skills in rescue operations,” pahayag ng alkalde.
Kaugnay rito, sa ibinahaging mensahe naman ni Governor Manuel Mamba na siyang nagsilbing Keynote Speaker, kanyang binigyang-diin na ang ganitong mga aktibidad ay hindi lamang nagpapatibay ng kakayahan ng bawa’t kalahok kun’di nagtataguyod din ng pagkakaisa at koordinasyon sa disaster preparedness at rescue.
“I am so glad that you come here, so that we could learn from you as you’ve learned from us, napaka-importante to compare notes, because all your rain water would come to us, it kills us, wala na tayong forest all through out. Mahalaga ang aktibidad upang magkaroon ng iba pang kaalaman ang probinsiya lalo pa’t ang Cagayan ay palaging nakakaranas ng kalamidad,” ani Gob. Mamba.
Dagdag pa ng gobernador na bukod sa pagsasanay at paghahanda, kinakailangan din ng tamang liderato na may malasakit sa kanyang nasasakupan upang matugunan nang epektibo ang mga hamon ng sakuna at kalamidad.
Samantala, ang Rescue Jamboree 2025 ay lalahukan ng mga rescuer mula sa iba’t ibang probinsya ng Rehiyon Dos na kinabibilangan ng Cagayan, Nueva Vizcaya, Quirino, Isabela, at Batanes.
Bukod dito, makikilahok din sa aktibidad ang mga rescue team mula sa Pangasinan, Aurora, at Tabuk, Kalinga, na nagpapakita ng malawakang pakikiisa sa adhikain ng jamboree na mapalakas ang kakayahan sa disaster response.