
Naging matagumpay ang pagtatanghal ng 3rd Tourisinema De Cagayan: Short Film Festival 2025 ng Cagayan Tourism Office sa pagwawakas nito sa isang premiere showing at awarding ceremony ngayong Biyernes, Hunyo 27, 2025 sa Robinsons Movieworld, Robinsons Place, Tuguegarao City.
Ang film festival na naganap ay bahagi ng selebrasyon ng 442nd Aggao Nac Cagayan, kung saan inilinya ng Cagayan Tourism Office ang patimpalak sa halos isang buwan na pagdiriwang na may layong paigtingin pa ang pagtataguyod ng turismo at ang tourism brand ng lalawigan na “Endless Fun, Cagayan,” at ipakita ang mga tourist destination sa lalawigan sa pamamagitan ng pelikula. Kabilang din dito ang pagpapakita ng talento ng mga Cagayano film maker.
Ang aktibidad ay pinangunahan naman ni Governor Manuel Mamba, Atty. Mabel Villarica-Mamba, Unang Ginang ng lalawigan at Patron of Tourism, Arts, and Culture na siya ring Chairperson ng 442nd Aggao Nac Cagayan Steering Committee; Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Provincial Administrator; EnP. Jenifer Junio-Baquiran, Provincial Tourism Officer; mga hurado, department head ng Kapitolyo ng Cagayan, at ilang Municipal Tourism Officers ng lalawigan.
Dinaluhan naman ito ng mga filmmaker at kanilang mga team member kasama ang kanilang pamilya, mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, mga kinatawan ng ibang ahensiya, at iba pang mga bisita.
Ang patimpalak ay sinalihan naman ng mga Senior High School student, College student, at mga independent film maker sa lalawigan. Ang mga kalahok ay nagdaan sa isang pitching kung saan unang iprinisinta ang storyline o plot, tourism portfolio ng probinsiya, mensahe ng pelikula, at ang destination brand ng lalawigan.
Matapos ang Panelist’s Screening napili ang 11 finalists mula sa pasok na mga paunang kalahok. Ang mga ito ay ang “Kailan, Kailyan?” (Tuguegarao City Science High School), “Hiling” (Obra Maestra), “Paraiso” (Raya Creatives), “The Discovery” (ClickArt Studio), “Ugid” (Lamina Production), “I Rarely Watch the Stars” (In Bituin Pictures), “Logan” (Bloggers of Tuguegarao), “Sun, Sand, and Sablay” (Smarter Multimedia Services), “Lost in Wonder” (Maddcreations), “Walang Hadlang” (LGU Sanchez Mira + Balay Habi Studio), at “The Adventures of Insay and Inggo” (Arapaap Creatives).
Namangha naman si Gov. Mamba sa ipinakitang galing at husay ng mga sumali sa pangatlong Tourisinema. Nagpasalamat siya sa mga ito. “Thank you for making the world aware of our beloved province, Cagayan. This is not only for the Cagayano. We dream that this will be a Cagayan for the world. We will always be connected to the world,” sambit ng Gobernador.
Pinuri niya ang talento ng Cagayano at hinimok niya na maging bahagi ang lahat sa responsibilidad ng pagpapaganda at pagpapa-unlad sa lalawigan.
“Ang Cagayan ay para sa ating lahat. We want to enjoy the fruits of our labor, of what we fought for. Let us start here in Cagayan,” pagtatapos ng Ama ng Lalawigan.
Ayon naman kay Atty. Villarica-Mamba, napakaganda ng mga entry ngayong taon na ito sa film festival. Mula nang nag-umpisa ang patimpalak na ito aniya, ay umangat na ang paggawa ng pelikula ng mga Cagayano fim maker.
Binigyang-diin din ng Unang Ginang na sa pamamagitan ng mga pelikulang ito, mas naipapakilala kung anong mayroon ang Cagayan at kung sino ang mga Cagayano.
”Now, people already know Cagayan that it is at the tip of the Philippines, that it is full of natural wonders and resources, it is filled with smiling people, and we are a hospitable and very warm province. And this also because of all of you. Kasi hindi tayo nagsasawa na ipagmalaki, ikuwento, at sabihin kung ano ang mayroon tayo at kung bakit kailangang pumunta sila dito. Ito po ang rason kung bakit tayo nagkakaroon ng Tourisinema de Cagayan. Gusto natin na ipakita sa buong mundo ano ba ang Cagayan, sino ba ang Cagayano?” sambit niya.
Pinasalamatan din niya ang lahat ng sumali at sinabing nahirapan silang mga hurado sapagka’t ang huhusay ng lahat ng entry sa taong ito.
Samantala, itinanghal ang “The Adventures of Insay and Inggo” ng Arapaap Creatives bilang Best Short Film na nag-uwi ng P100,000. Pumangalawa ang “I Rarely Watch the Stars” ng In Bituin Pictures na may premyong P70,000. Ang 3rd Placer naman ay ang “Lost in Wonder” ng Maddcreations na nabigyan ng P50,000.
Samantala ang ibang finalists na hindi nanalo ay nag-uwi naman ng tig-P25,000.
Narito naman ang iba pang mga award na iginawad na may premyong tig-P7,000:
PGC Choice Award- Ugid (Lamina Productions)
Special Jury Award- Walang Hadlang (LGU Sanchez Mira + Balay Habi Studio)
Best in Production Display- In Butuin Pictures (I Rarely Watch the Stars)
Best in Cinematography- Lost in Wonder (Maddcreations)
Best in Editing- The Adventures of Insay and Inggo (Arapaap Creatives)
Best in Story- The Adventures of Insay and Inggo (Arapaap Creatives)
Best in Musical Scoring- The Adventures of Insay and Inggo (Arapaap Creatives)
Best Director- Ryand Angelo Ugalde (The Adventures of Insay and Inggo)
Best Actor- Gerald Salada bilang “Diego” (Lost in Wonder)
Best Actress- Janna Butay bilang “Insay” (The Adventures of Insay and Inggo)
Naging hurado naman ng prestihiyosong film festival si Atty. Villarica-Mamba na naging producer ng pelikulang “Mga Gabing Kasinghaba ng Buhok Ko” (Those Long-haired Nights) na umani ng parangal sa mga prestihiyosong local at international film festival. Kasama niya ang award-winning Director ng kaparehong pelikula na si Gerardo “Hedj” Calagui, at si Jag Garcia na isa ring kilalang Director ng pelikulang “Paano ‘di Masabi” na ipinalabas sa iba’t ibang prestihiyosong local at international film festivals.
Ang Tourisinema De Cagayan ay isang patimpalak sa short films na unang isinagawa noong 2022 bilang bahagi ng launching ng provincial tourism brand ng Cagayan.
Ayon sa Unang Ginang, hindi dito magtatapos ang aktibidad, bagkus magpapatuloy ito sa pamamagitan ng mga workshop para sa film makers ng lalawigan.