Personal na tinanggap ng 25 barangay captains mula sa bayan ng Gonzaga ang mga bagong utility vehicle na ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa isang ceremonial turnover na ginanap sa Cagayan Sports Coliseum ngayong Miyerkules, Pebrero 26, 2025.

Ang mga sasakyang ito ay bahagi ng patuloy na programa ng PGC upang mapabuti ang serbisyo sa bawa’t barangay lalo na sa pagharap sa mga emergency at pang-araw-araw na pangangailangan ng mga residente.

Ang pondo para sa pagbili ng mga sasakyan ay nagmula sa mga hindi nagamit na pondo ng programang No Barangay Left Behind (NBLB) ni Governor Manuel Mamba sa nakalipas na taon.

Pinangunahan mismo ni Governor Mamba ang nasabing turn-over over ceremony, kasama ang ilang opisyal, department heads, at kawani ng Provincial Government of Cagayan (PGC).

Sa kanyang mensahe, muling binigyang-diin ng gobernador ang kanyang dedikasyon sa pagpapatupad ng mga programang tunay na nagpapalakas sa serbisyo publiko sa buong probinsiya.

Dagdag pa ng gobernador, mula nang siya ay maupo bilang Ama ng Lalawigan, walang ibang ginawa ang kanyang administrasyon kun’di punuan ang mga kakulangan sa probinsiya, kung saan isa aniya sa kanyang pangunahing naging hakbang ay ang pagbibigay ng impotansiya sa lahat ng sektor na may mahalagang papel sa seguridad at serbisyo publiko.

“For last 9 years adda nak la ijay a mangsul-sullat kadagiti pagkurkurangan, pagkurangan ti barangay, pon-pondo ket adda ti No Barangay Left Behind, haan nga nagpalpaltos dayta apo, tumulong kadagiti volunteer workers tayo ta sangkabassit lang met ti maiteted ti barangay nga honorarium da, tay SK tayo ikkak met ida ta makatul-tulong da met kadatayo. Adu ti pagkurangan, adda dijay kanayun ni Governor Mamba, ti Provincial Government yu. Kurang kano ti sakay ti Pulis tayo, BFP, Army ken BJMP nangted tayo. Kasta met ti munisipyo nangted tayo ti grader, kurang ti sakay ti doktor da nanggatang nak ti sakay da ken pati amin nga RHU ginatangak. I will always there, why? Because I have to capacitate everyone,” saad ni Gob. Mamba.

Kaugnay rito, dumalo rin sa turn-over ceremony si Gonzaga Mayor Marilyn Pentecostes, kung saan nagpahayag ito ng kanyang taos-pusong pasasalamat kay Governor Mamba. Aniya, malaki ang naitutulong ng gobernador hindi lamang sa pamamahagi ng sasakyan kun’di sa iba pang inisyatibong nagpapaunlad sa kanilang bayan.

Kaya siniguro nito ang tuloy-tuloy na suporta ng kanyang grupo kasama ang mga mamamayan ng Gonzaga sa kanyang mga adhikain para sa kapakanan ng mga Cagayano.

Kanya ring pinuri ang lahat ng mga kapitan sa kanilang kumpletong presensiya, aniya nararapat lamang na kunin ang mga nasabing sasakyan dahil ito ay para sa kanilang nasasakupan.

“Thank you nga immay kayo amin kasi agijay dadduma agijay haan umay ket hindi nila iniisip yung mga tao sa barangay nila, pansariling interes nila ang iniisip. Very proud ako sa inyo dahil kumpleto kayo, alagaan niyo yung sasakyan hindi pwede na kung saan-saan niyo ibyahe yan dapat may travel order dahil para sa barangay niyo yung sasakyan hindi para sa inyo, kaya gamitin sa tamang paraan yung sasakyan para makapagbigay naman tayo ng magandang serbisyo sa mga barangay niyo, pang emergency, so wala ng problema ng barangay pagdating sa sasakyan,” ani Mayor Pentecostes.

Samantala, nagpaalala rin si Engr. Julius Garcia ng Provincial Engineering Office ng PGC na ang mga sasakyang ipinamahagi ay mga bagong unit kaya’t inaasahan nilang ito ay mapangangalagaan upang tumagal ang serbisyo nito sa mga barangay

Bukod naman sa bayan ng Gonzaga, nakatakda ring mabigyan ng bagong utility vehicles ang iba pang bayan sa lalawigan sa mga susunod na araw.