
Isinailalim sa Vector-Borne Surveillance ang nasa 200 kabahayan sa Bayan ng Santa Ana, Cagayan ng Provincial Health Office (PHO) katuwang ang Cagayan Valley Center for Health Development (CVCHD).
Ang Vector-Borne Surveillance ay isinasagawa upang matukoy at ma-monitor ang mga posibleng breeding site ng lamok na nagdadala ng sakit tulad ng dengue. Layunin nito na maiwasan ang pagdami ng kaso ng dengue, at maipatupad agad ang preventive measures.
Kabilang sa mga sinuri ay mga kabahayan sa barangay Tangatan at barangay Centro sa nasabing bayan, kung saan batay sa naging resulta 41% ng kabahayan sa barangay Tangatan at 45% sa barangay Centro ang positibo sa Aedes larvae.
Kasunod ng resulta, kaagad na iprinisinta ng grupo ang datos sa mga opisyal ng dalawang barangay at naglatag ng mga kaukulang hakbang upang mapigilan ang pagdami ng lamok at maiwasan ang pagtaas pa ng kaso ng dengue.
Kabilang dito ang pagpapaigting ng clean-up activities, pag-aalis ng mga posibleng pamugaran ng lamok, at information drive.
Kaugnay rito, nakatakda ring magsagawa ng kaparehong surveillance ang PHO at CVCHD sa iba pang bayan sa lalawigan na may mataas na bilang ng dengue.
Samantala, ang aktibidad ay pinangunahan nina Mr. Regie Baga, Dengue/Malaria Program Manager; Mr. Nickson Cammayo, Program Coordinator; at Ms. Domini Princess Balisi, Dengue Coordinator, kasama ang mga health personnel ng Rural Health Unit Santa Ana.







