Nagsasanay ng Rice Machinery Operation ang 20 magsasaka ng Baggao at Amulung sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung, Cagayan.

Ayon sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA), ang 29-araw na training ay nagsimula nitong Abril 16 hanggang May 14, 2026.

Matapos ang pagsasanay, pagkakalooban ang mga kalahok ng Rice Machinery Operations National Certificate II (RMO NC II) mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Kabilang sa mga ituturo sa mga magsasaka ay ang wastong paggamit ng tractors, combine harvesters, planters, rice mills, mechanical dryers, at iba pang makabagong farm machinery.

Layunin nito na palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka at agricultural workers sa moderno at makabagong mekanismo sa pagsasaka, at mapataas ang kahusayan sa produksyon ng palay.

Bukod dito, ang naturang pagsasanay ay bilang paghahanda rin sa mga magsasaka sa mga operasyon ng mga rice processing system, drying system, at iba pang pasilidad na may mga makabagong makinarya.

Ang hakbang na ito ay dahil rin sa pakikipagkoordinasyon ni Engr. Pearl Mabasa ng One Cagayan Vision Team Cluster Head for Agricultural Support, at sa adhikain ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay na itaas ang antas ng agrikultura sa pamamagitan ng teknolohiya, kasanayan, at maging handa sa makabagong panahon.