
Ipinagdiriwang ng Lokal na Pamahalaan ng Buguey ang selebrasyon ng 1st Baybay Festival kung saan itinampok ang largehead hairtail fish o mas kilala sa tawag na bulong-unas at pandan plant ngayong Biyernes, Pebrero 21, 2025.
Mismong si Buguey Mayor Licerio Antiporda ang nanguna sa pagbubukas ng selebrasyon kung saan binigyang-diin nito sa kanyang mensahe ang kahalagahan ng mga programang nakatuon sa pagpapaigting ng proteksyon sa baybaying-dagat lalo na hurisdiksyon ng naturang bayan para sa pagpapanatili ng kasaganaan at kabuhayan ng bawa’t mamamayan ng Buguey.
“Kankanayun ku ibaga, datuy Baybay Festival tayo, we are here to conserve and manage the Babuyan Channel, daytuy jurisdiction tayo tapno kasta ket haan laeng nga mamentenar nu di ketdi umadu kuma pay dagituy mabalin nga makalapan dagituy kalugaran tayo,” saad ni Mayor Antiporda.
Ang tema ng pagdiriwang ay “Baybay, Pagkaykaysaan a salakniban:Taraon ken pagsapulan maypanamnama ita ken iti masakbayan!”
Kasabay ng ginanap na selebrasyon ay ang paglulunsad ng Oplan ‘BARRBIE’ o Babuyan channel conservation and management through Assistance and fisherfolk, Research and Regulation for Bulung-unas, other marine products and pandan plant to promote Income generation and Eco-tourism.
Layon ng Oplan BARRBIE na pangalagaan at paigtingin ang pangangasiwa ng lokal na pamahalaan sa baybaying-dagat ng bayan ng Buguey lalo na ang Babuyan channel katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Isinagawa rin ang Memorandum of Agreement (MOA) Signing sa pagitan ng LGU Buguey, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI) para sa pagpapatayo ng Pandan Seedling Propagation Center.
Naging mas makulay din ang selebrasyon dahil sa isinagawang Stylized Folk Dance Competition kung saan nagpasiklaban ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang National High School sa bayan ng Buguey. Itinanghal bilang kampeon ang Licerio Antiporda Sr. National High School-Dalaya Annex, pumangalawa naman ang Pattao National High School at nakuha naman ng Licerio Antiporda Sr. National High School Main Campus ang ikatlong pwesto.
Bukod dito, ginanap din ang ‘Kusina ni Ceri’ Cookfest kung saan ibinida ng mga miyembro ng Rural Improvement Club (RIC) Buguey ang katakam-takam at masasarap na mga putahe ng bulong-unas gaya ng Bulung Unas Curry, Lumpia, Bulung Unas Sardines, Ginataang Sitaw at Kalabasa with Bulung Unas, Garlic Buttered Bulung Unas, at marami pang iba.
Kaugnay rito, hiniling ni Mayor Antiporda ang maigting na suporta at pakikipag-ugnayan ng mga ahensiya ng gobyerno gayundin ang kooperasyon ng mga mamamayan upang mapalakas ang agri-festival at eco-tourism sa bayan ng Buguey.
Samantala, nakiisa rin sa pagdiriwang ng Baybay Festival sina 1st District Board Member Romeo Garcia, Provincial Consultant Oliver Peneyra bilang kinatawan ni Cagayan Governor Manuel Mamba, miyembro ng Zonta Club of Aparri, Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), 95th Infantry Battalion, 502nd Infantry Brigade at mga media entity sa probinsiya ng Cagayan.