
Umabot na sa 153 indibiduwal ang hired-on-the spot (HOTS) sa ginaganap tatlong araw na Job Fair at Business One-Stop-Shop (BOSS) sa SM City Tuguegarao na pinangunahang ng Public Employment Services Office (PESO) Cagayan na nagsimula kahapon, ika-18 ng Hunyo, 2025
Sa unang araw, umabot sa 92 sa 300 rehistradong aplikante ang napabilang sa HOTS matapos pumasa sa kwalipikasyong hinahanap sa isang aplikante, samantalang 60 HOTS ang nakuha ngayong araw.
Sa isang programa ngayong araw ng Huwebes, Hunyo 19, nagbigay ng inspirasyon ang Unang Ginang Atty. Mabel Villarica-Mamba bilang Chairperson ng 2025 Steering Committee ng Aggao Nac Cagayan at kanyang ibinihagi ang kanyang karanasan noong unang nagkatrabaho ito sa isang pribadong kumpanya at sinabing ang kanyang mga karanasan ang naghubog sa kanya sa kanyang kinatatayuan ngayon.
“I realized that all of my experiences made me of what I am today. You have to treasure kung ano man ang iyong karanasan o mapagdadaanan,” ani Atty. Villarica-Mamba.
Idinagdag pa nito na laking tulong sa mga naghahanap ng trabaho ang ganitong aktibidad na inorganisa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na bahagi ng pagdiriwang ng ika-442 Aggao Nac Cagayan para mapabilis ang paghanap ng trabaho ng mga Cagayano.
“Pasalamat tayo sapagkat noong mga panahon namin walang ganitong Job Fair at talagang magtitiyaga kang maghahanap ng trabaho sa bawa’t ofis at ahensiya,” dagdag pa ng Unang Ginang.
Kaugnay rito, inihayag din ni Gobernador Manuel Mamba sa mga aplikante na huwag munang mamili ng mapapasukang trabaho kung may mga oportunidad basta ito ay marangal na trabaho. Huwag din matakot aniya kung mahirap man ito sapagka’t malaki ang magiging tulong nito sa kanilang matagumpay na kinabukasan.
“Ano man ang klase ng inyong trabaho basta marangal, alagaan niyo yan. Kahit mahirap, huwag matakot. the harder you do it, the better for you in the future,” saad ng Gobernador.
Nanawagan din ang Gobernador na kailangang bigyan ng dignidad ang nasa labor sector at palakasin pa lalo ang basic education para maging sagot sa mga pangangailangan ng mga tao sa ating probinsiya.
“I call upon the government and those in the government para magtulungan tayo. Let’s give dignity to labor especially the hard ones. Education should be responsive to the needs of the people. We try to do our share in building a better Filipino and a better Cagayan, a prepared Filipino and a prepared Cagayan,” giit pa ng Gobernador.
Ngayong ikalawang araw ay nakapagtala ng 162 registered applicants at 60 HOTS ang PESO Cagayan at kasalukuyan pang tumatanggap ng mga aplikante hanggang bukas.
Ayon kay PESO Manager Mylene Peralta, may 2,000 libong job vacancies ang handang maibigay sa lahat ng job seekers sa tatlong araw na Job Fair at umaasa ito na marami ang mabibigyan ng trabaho ngayong taon bilang tugon sa problema ng unemployment sa probinsiya.
Lumahok din sa Job Fair at BOSS ang 34 local employers na kinabibilangan ng mga private companies, healthcare institutions, food industries, security services, restaurants, business process outsourcing, lending institutions, private schools/universities at iba pang kumpanya, 7 overseas employments, at 9 government agencies.
Mas pinagaan na rin ng PGC-PESO Cagayan ang pagproseso sa mga dokumento ng mga naghahanap ng trabaho sa pamamagitan ng Business One-Stop-Shop o BOSS program nito sa presensiya ng mga sumusunod na ahensiya ng gobyerno gaya ng Philhealth, Pag-ibig, Social Security System(SSS), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Statistics Authority (PSA), Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Migrant workers (DMW), Professional Regulation Commission (PRC), at Department of Information and Communication Technology (DICT).
Kasama naman ng Gobernador at Unang Ginang si Povincial Director Laura Diciano ng Department of Labor and Employment (DOLE), mga department heads at consultants sa ribbon-cutting ceremony ngayong araw sa nasabing aktibidad.






