Ginagamit at patuloy na napakikinabangan ng bawa’t Cagayano ang nabili ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na 122 disaster response equipment sa pamumuno ni Governor Manuel Mamba.
Sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), mula 2016 hanggang sa kasalukuyan, ilan sa mga nabili ng PGC ay ang 32 units ng ambulansiya, sampung rubber boat, 32 units ng rescue car, anim na units ng Russian truck, dalawang units ng jet ski, isang unit ng rescue speed boat, limang units ng drone, limang unit ng search, rescue and relief (SRR) truck, 40 units ng motorsiklo at iba pang mga rescue equipment tulad ng life vest, modular tents, parachute tents, at generator sets.
Ayon kay Rueli Rapsing, Officer-in-Charge ng PDRRMO, ang ilang mga nabiling gamit ay naipamahagi sa mga Municipal DRRM na napakikinabangan lalo na sa panahon ng kalamidad at sakuna.
Bukod sa mga Municipal DRRM, nailaan din ang mga nabiling rescue equipment sa pitong station ng Task Force Lingkod Cagayan- Quick Response Team (TFLC-QRT) na matatagpuan sa bayan ng Lal-lo, Amulung, Tuao, Gonzaga, Ballesteros, Sanchez Mira, at Tuguegarao City.
Ang TFLC-QRT ay nabuo nang maupo bilang Gobernador si Gov. Manuel Mamba sa lalawigan noong 2016 kung saan ito ay bukas 24/7 upang makapagbigay ng serbisyo sa mga nangangailangan ng tulong sa buong probinsya.
Nabatid kay Rapsing na bago ang pamumuno ni Gov. Mamba ay nadatnan lamang ang isang multi-cab, isang elf at isang adventure sa opisina ng PDRRMO, kaya isa ito sa mga tinutukan ng Ama ng Lalawigan dahil ang probinsiya ng Cagayan ay madalas tamaan ng kalamidad tulad ng bagyo.
Sa ngayon, tinututukan ng PDRRMO ang ipinatatayong DRRM school na matatagpuan sa Capitol compound kung saan isa sa layon nito ang ituro sa mga kabataan kung paano ang pagsuri, pagplano maging ang pagsaliksik sa mga lugar na madalas makaranas ng sakuna at kalamidad para maibsan ang malubhang epekto nito.