Muling pinatunayan ng mga mag-aaral ng Shining Light Academy (SLA) sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan ang kanilang talino at husay matapos mag-uwi ng mga karangalan mula sa International Science Olympiad Competition of Southeast Asia (ISOCSEA) at International Mathematics Olympiad Competition of Southeast Asia (IMOCSEA) 2025 na ginanap sa Osaka, Japan nitong Disyembre 19-22, 2025.

Nakamit ng delegasyon ng SLA ang isang (1) Diamond Medal, isang (1) Gold Medal, at walong (😎 Bronze Medals sa ISOCSEA. Samantala, nagdagdag pa ng karangalan si Queen Collado, isang Grade 8 student, matapos masungkit ang Bronze Medal sa IMOCSEA.

Sa kompetisyong nilahukan ng sampung bansa, buong tapang na ipinakita ng mga SLAions ang kanilang kahusayan sa larangan ng Agham at Matematika.

Kabilang sa mga nag-uwi ng pinakamataas na parangal si Francheska Mas, nasa Primary 2 category, na tumanggap ng Diamond Medal at tropeo matapos magwagi bilang Overall 2nd Runner-Up sa kanyang kategorya. Samantala, nakakuha naman ng Gold Medal si James Caliboso sa parehong kategorya.

Ayon kay Francheska Mas, bagama’t mahirap ang pagsusulit ay lubos siyang nagpapasalamat sa Diyos sa kanyang tagumpay.

“The exam was really hard, but I’m grateful to God that I was able to be in the top 3 in this international competition,” ani Mas.

Ibinahagi naman ni Ryan Jay Gamurot, na ang tagumpay ng mga mag-aaral ng SLA ay hindi lamang para sa kanilang paaralan kun’di isang malaking karangalan para sa Pilipinas at sa buong lalawigan ng Cagayan, bilang patunay ng galing ng batang Cagayano.

“The journey from the National Qualifying to the International Round was not easy, but because of God’s grace, I am really proud of the performance of our SLAions. This is a great milestone for the Philippines. This proves galing ng batang Cagayano,” saad ni Gamurot.

Narito ang listahan ng mga nagwagi sa ISOCSEA at IMOCSEA 2025:

DIAMOND MEDALIST

• Francheska Mas -Overall 2nd Runner Up (Primary 2 Category)

GOLD MEDALIST

•James Caliboso- (Primary 2 Category)

BRONZE MEDALISTS

• Katie Caliboso (Primary 4)

•Kendrick Manahan (Primary 5)

•Gavin Diza (Primary 5)

• Zhyrrie Pasion (Primary 6)

•Myrrh Peralta (Primary 6)

•Liam Arciaga (Secondary 7)

• Jayden Aquino – Secondary 7)

• Irika Guillermo (Secondary 😎

•at Queen Collado (IMOCSEA Bronze Medalist)

Ang tagumpay ng Shining Light Academy ay isang malaking karangalan para sa bayan ng Sanchez Mira at sa buong Cagayan, at patunay na sa anumang larangan ay patuloy na namamayagpag ang husay at talino ng mga batang Cagayano.