SPIRITUAL AND MORAL RECOVERY AND TRANSFORMATION PROGRAM

Isa sa mga agenda ni Gov. Manuel N. Mamba ay ang implimentasyon ng Spiritual and Moral Recovery and Transformation Program ng Pamahalaang Panlalawigan.

Iginiit ng Gobernador ang kaniyang paniniwala na anumang reporma o pagbabago ang nais na isakatuparan sa buhay ay kailangan mag-uumpisa sa sarili. Tinipon niya ang ang iba’t ibang religious groups, academe, PEACE at ilang department heads upang magsagawa ng isang mabisang disenyo para sa moral transformation.

Inumpisahan na ng Provincial Human Resource and Development Office (PHRDO) na ipasagot sa mga empleyado ang tatlong assessment tools gaya ng Self-Discovery upang malaman ang level of self-awareness; Assessment tool for Spiritual Well-being at Organizational System Review upang malaman ang level of organizational awareness ng mga ito. Kasama din ng Gobernador ang Capitol Forerunners upang tutulong sa pagbabagong-moral ng mga Cagayano sa pamamagitan ng pagbabahagi ng salita ng diyos tuwing “People’s Day”.

PROVINCIAL OFFICE FOR PEOPLE EMPOWERMENT (POPE)

Sa layunin ni Gobernador Manuel N. Mamba na mabigyan ng pagkakataon ang bawat indibidwal na magkaroon ng kapangyarihan na palawakin ang sarili sa ibat ibang larangan, isang opisina ang itinatag sa ilalim ng kanyang tanggapan. Ito ay ang Provincial Office for People Empowerment o (POPE). Ang nasabing opisina ang tututok at maghihimay sa mga proyektong ibababa ng Gobernador sa mga barangay at munisipalidad sa ilalim ng kanyang Development Agenda na “ No Barangay, No Town Left Behind”.

Sa pamamagitan ng POPE, sisiyasatin nito ang lahat ng rekisitos upang maibigay ang tulong pinansiyal na manggagaling sa opisina ng Gobernador. Tututukan ng People Empowerment Council (PEC) na binuo mula sa pitong purok sa bawat barangay ang tamang implementasyon ng mga proyekto na kinilala ng mga ito.

Kaugnay nito, ang Movement for a Self Reliant Cagayan (MSRC) ay binuo upang sanayin ang bawat miyembro na huwag lamang umasa sa tulong ng gobyerno ngunit pagyamanin kung ano ang mayroon sa grupo.

FISCAL MANAGEMENT

Kumikilos na ang Fiscal Management Group ng pamunuan ni Gov. Manuel N. Mamba upang magsiyasat sa mga proyekto, programa at aktibidad na pinasok ng dating administrayon.

Alinsunod sa direktiba ng Gobernador, inatasan niya ang mga departments upang isagawa ang iba’t ibang mga responsibilidad. Dahil dito, hiniling ni Gov. Mamba na bigyan siya ng sapat na panahon para linisin ang Kapitolyo, at mapagsilbihan nang maayos ang mamamayang Cagayano.

ANNUAL INVESTMENT PLAN

Tinutukan ni Gov. Manuel N. Mamba ang presentasyon ng programs, projects and Activities (PPAs) na nakapaloob sa Annual Investment Plan (AIP) ng lalawigan. Ito ay isang inisyatibo ng Gobernador upang malaman at mapag-aralan ang mga nakapaloob na programa, proyekto at aktibidad ng bawat departamento at maiwasan ang paglalagay ng pondo na hindi angkop sa kanilang mandato.

Bawat programa, proyekto at aktibidad na inilatag ng mga departamento ay siniguro ng Gobernador na malinaw at dapat maipatupad nang maayos para sa ikabubuti ng mga Cagayano. Pagkatapos ng rebisyon ng mga ibang departamento, inaprubahan din ng Gobernador ang mga PPAs upang kagyat na maipatupad ito sa lalong madaling panahon.

CAGAYAN CAPITOL PRESS CORPS

Muling binuo ang Cagayan Capitol Press Corps sa Kapitolyo upang magsilbing katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapahayag ng mga impormasyon, programa at mga aktibidad sa mamamayang Cagayano gayundin na muling buhayin at paigtingin pa lalo ang samahan ng mga mamamahayag sa iisang pakay.

Ang pagkakatatag muli ng nasabing Press Corps ay bahagi ng prayoridad na programa ni Gov. Manuel N. Mamba hinggil sa Transparency and Accountability. Kaugnay nito, ang nasabing grupo ay nakabuo na ng Constitution and By-Laws at pinaghahandaan na rin ang nalalapit na oathtaking.

EMPLOYEES CIVIC ACTION PROGRAM (ECAP)

Pinatupad ni Gov. Manuel N. Manuel sa Kapitolyo ang Employees Civic Action Program (ECAP) tuwing araw ng Biyernes upang sama-samang maglinis sa Capitol Grounds ang mga opisyal at kawani ng Executive Department.

Ang ECAP ay isang inobasyon at reporma sa ilalim ng administrasyon ni Gov. Mamba at sa kauna-unahang pagkakataon ng kasaysayan ng Kapitolyo nangyari ang sabayan at sama-samang paglilinis ng mga empleyado sa kani-kanilang opisina at kapaligirian.

Layon ng nasabing inobasyon na matiyak ang kalinisan ng bawat opisina gayundin ang kapaligiran nito dahil naniniwala si Gov. Mamba na ang maayos nakapaligiran ay simbolo ng maayos na gobyerno.

BAWAL NA ANG PANINIGARILYO SA KAPITOLYO

Upang makaiwas sa sakit sa baga o iba pang kumplikasyon nito, ay ipinagbawal ni Gobernador Manuel N. Mamba ang paninigarilyo sa Kapitolyo.

Ayon sa Gobernador, ang usok mula sa naninigarilyo na tinatawag na second hand smoke, ay higit ang panganib na dala kesa sa mismong naninigarilyo, kung kaya’t agaran niya itong ipinagbawal.

Ang pagkakaroon ng smoke-free environment ay pagsisiguro na ang mga empleyado ay magkakaroon ng malusog na pangangatawan at malinis na hangin.

TRANSPARENCY AND ACCOUNTABILITY

Mariing pinapatupad ni Gov. Manuel N. Mamba ang “Transparency and Accountability” sa lahat ng opisyal at kawani ng Pamahalaang Panlalawigan upang maibalik ang tiwala at kumpiyensa ng mamamayang Cagayano sa Pamahalaang Panlalwigan ng Cagayan.

Ito ay sa pamamagitan ng mga reporma na kaniyang ipinakilala gaya ng pagsusumite ng Weekly Accomplishment Reports, pormulasyon ng Provincial Austerity and Procurement Plan at paglalahad ng pinasiyal na kalagayan ng lalawigan kasama na dito ang quarterly collections ng mga iba’t ibang buwis ng lalawigan.

Binigyan-diin ng Gobernador ang pagpapahalaga sa trabaho, pagdalo ng Flag Raising and Flag Retreat, gayundin ang bukas na pakikipagtalastasan ng mga empleyado sa kaniya. Nilibot at inisa-isa ni Gov. Mamba ang lahat ng tanggapan sa Kapitolyo kasabay ang paalala na magtrabaho ng buong puso, laging nakangiti sa bawat kliyente at panatilihing malinis at maayos ang kanilang opisina.

OFFICIAL VEHICLES WITH OFFICIAL STICKERS

Pinalagyan ni Gob. Manuel Mamba ng sticker ng opisyal na logo ng Lalawigan kasabay ng katagang “FOR OFFICIAL USE ONLY” ang lahat ng sasakyang pag-aari ng Pamahalaang Panlalawigan.

Lahat sasakyan na nakatalaga sa Ehekutibo at Lehislatibong sangay ng Provincial Government ay pinapaskelan ng nasabing sticker para makita ng bawat Cagayano na pag-aari ito ng taumbayan na nararapat lamang gamitin sa mga opisya na lakad o byahe.

Hinimok ni Gob. Mamba ang mamamayang Cagayano na isumbong sa kaniyang tanggapan kapagka may nakita silang sasakyan na may opisyal na logo ng probinsiya kapagka nakita nila ito sa mga bahay-aliwan, sabungan o lampas sa takdang oras at araw itinatakda ng gobyerno.

May mga report na ginagamit ng ilang opisyal ang mga isyung sasakyan sa paghatid sundo sa kanilang mga anak sa paaralan at maging sa pamamalengke ng kanilang mga maybahay.

Papatawan aniya ng kaukulang parusa ang sinumang lalabag sa takdang gamit ng sasakyan ng pamahalaang lokal ng probinsiya.

GOVERNOR’S OASIS

Ang mapaganda at mapasigla ang Cagayan Eco-Park para sa mamayang Cagayano ang isa sa mga proyektong nais isagawa ni Cagayan Governor Manuel N. Mamba. Ito ang pahayag ni Frances “Kiko” Kanapi ang Consultant for Sports ng Pamahalaang Panlalawigan.

Ayon kay Kanapi, kasalukuyan na niyang pinangangasiwaan ang mga pagbabagong ginagawa sa pasilidad ng Kapitolyo upang mabantayan ang progreso ng proyekto at para masiguro na lahat ng nasa plano ay masusunod.

Magsisilbing isang pasyalang kaaya-aya para sa lahat ng dadalaw sa naturang lugar, magdadagdag ng mga pasilidad na magbibigay sigla sa parke at mga karagdagang kagamitan para magbigay kalibangan sa mga papasyal sa Eco-Park.

Sinisiguro din ng pamunuan ng Cagayan Sports Complex na kinapapalooban ng Cagayan Eco-Park na kanila parin pananatilihin ang kalinisan at seguridad ng buong pasilidad ng Pamahalaang Panlalawigan.

Dagdag pa ng opisyal na kapag natapos ang naturang mga pagbabago sa lugar ay naihahantulad na ito sa mga naggagandahang parke sa bansa at ito’y papangalanan na “GOVERNOR’S OASIS”.

Ang rehabilitasyon, pagsasaayos at pagmentena ng lahat ng pasilidad ng Cagayan Sports Complex ay isa sa prayoridad ng Sports Committee ng pamahalaang Panlalawigan para higit na mapagsilbihan ang mamayang Cagayano.