News

SUMMER SPORTS CLINIC NG PROVINCIAL GOVERNMENT OF CAGAYAN ISASAGAWA

Sisimulan bukas, ika 18 ng Mayo, 2017 ang Summer Sports Clinic ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Sa panayam kay Frances Kiko Kanapi, Sports Development Consultant ng Cagayan. Sinabi nito ang kagustuhan ni Cagayan Governor Manuel Mamba na mas malinang at mapaunlad ang kakayahan ng mga kabataang Cagayano sa larangan ng palakasan ang nagtulak para maisakatuparan ang paglulunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan Summer Sports Clinic 2017.
Mga kabataang mula 6 hanggang 16 na taong gulang ang inaanyayahan ng Pamahalaang Panlalawigan na dumalo at makilahok sa mga sports clinic events tulad ng basketball, volleyball, softball, football, wushu, taekwando at athletics.
Sinabi pa ni Kanapi na pawang mga dekalidad na mga trainors at coaches ang aagapay sa mga kabataang lalahok sa aktibidad at maging ang seguridad at kapakanan ng mga kabataan ay kanilang sisiguraduhing mapoproteksiyan habang sumasailalim ang mga ito sa mga naturang programa.
Dagdag pa ni Kanapi na ang naturang programa ng Kapitolyo ay naglalayon ding makatuklas ng mga natatanging atleta na maaring hubugin pa upang maisali sa mga kompetisyon sa loob at labas ng lalawigan.
Tatagal ang sports clinic ng 25 na araw at ang naturang programa ay libreng makakamit ng mga kabataang magsisidalo.
Panghuli ay sinabi din ni Kanapi na habang maaga ay magsirehistro na ang mga kabataan dahil limited slots lamang bawat event at kanilang tatanggapin para mas matutukan ang mga kasaling manlalarong kabataan.
Ang mga slots bawat laro ay nahahati sa mga bilang na 50 sa volleyball, 25 sa basketball,30 sa wushu, 25 sa football, 30 sa athletics, 30 sa sotfball at 30 sa taekwando.
Ang sports clinic ay gaganapin sa mga pasilidad ng Cagayan Sports Complex sa Lunsod ng Tuguegarao.
(Eugene Carlo C. Tolosa)