News

REHABILITASYON NG IRAGA-BAYABAT FMR AND BRIDGES PROJECT, TULUY-TULOY NA

Tuluy-tuloy ang implementasyon ng Iraga-Bayabat farm-to-market road (FMR) with bridges rehabilitation project ng probinsiya sa ilalim ng Philippine Rural Development Project (PRDP) matapos maganap ang groundbreaking ceremony nito noong ika-20 ng Marso, 2017.
Ginanap ang isang pagpupulong sa pamamagitan ng National Project Coordination Office, Regional Project Coordination Office at ng PPMIU Cagayan na pinangunahan ni Pearlita Lucia Mabasa, ang pinuno ng PPMIU at ang Concurrent Provincial Agriculturist sa Cordova, Amulung West noong ika-16 ng Mayo upang malaman ang updates ng proyekto.
Napag-alaman na may 400 meters concrete pouring nang natapos sa project site. Nagsimula ang konstruksyon ng proyekto noong ika-28 ng Marso ngayong taon at inaasahang matatapos ito sa ika-8 ng Hulyo sa susunod na taon.
Ang Iraga-Bayabat FMR ay may haba na 20.25 kilometers at nagkakahalaga ng P200 M. Ang proyekto ay tatagos sa Iraga, Solana at sa ilang bayan ng Amulung kabilang na ang Nangalasauan, Cordova, San Juan, Annafatan, Palayag, Pacac Pequeno, Masical at Bayabat.
Samantala, isusunod naman ang groundbreaking ng Namabbalan Norte-Baliuag-Bical-Cabbo FMR with bridges construction/rehabilitation project sa ika-29 ng Mayo, 2017 matapos na matanggap ng probinsiya ang pinakahihintay na “No Objection Letter 2” o NOL2, na naghuhudyat na ang proyekto ay aprubada na para sa tuluy-tuloy na implementasyon nito.
Ang Namabbalan Norte-Baliuag-Bical-Cabbo FMR with bridges ay may haba na 17.42 kilometers at nagkakahalaga din ng halos P200 M.
Ang mga proyektong ito ay pinondohan ng World Bank sa ilalim ng PRDP.
Samantala, ginanap din ang Geotagging Training sa Amulung West kasunod ng pagpupulong.
Ang geotagging ay isang ICT application na ginagawa sa implementasyon ng mga proyekto ng PRDP. Ang geotagging ay ginagawa upang makita ang eksaktong lokasyon ng proyekto sa pamamagitan ng mga digital resource gaya ng mga larawan at video. Ang geotagging ay ginagawa din upang makita ang development ng bawat proyekto sa pamamagitan ng mga digital information at images nito. (Mielmia Marie T. Baquiran)
Photo Credits: Norma F. Castro (Office of the Provincial Agriculturist)