News

PAGLIKHA NG CAGAYAN COUNCIL FOR CULTURE AND THE ARTS (CCCA), INIHAIN NA SA SP

Inihain na sa Sangguniang Panlalawigan (SP) ang paglikha ng Cagayan Council for Culture and the Arts (CCCA).
Ito ay sa pamamagitan ng isang ordinansa na inihain ni Board Member Maria Olivia B. Pascual ng unang distrito sa katatapos na 39th Regular Session.
Ang nasabing ordinansa ay batay sa Section 17 ng 1987 Philippine Constitution kung saan ang estado ay nagbibigay ng prayoridad sa usapin ng kultura at sining sa bansa upang pagyamanin ang pagkamakabayan at mapanatili ang nasyonalismo ng mga Pilipino.
Sa Article XIV, Section 15 ay tinutukoy na ang estado ay kailangan niyang itaguyod at ipreserba ang mga historical at cultural heritage na siyang nagbibigay ng pagkilanlan sa ating bansa sa buong mundo.
Sa ilalim naman ng Section 16 ng Local Government Code of Republic Act No. 7160, mahalaga ang ginagampanan na tungkulin ng mga Local Government Units (LGUs) upang mapaunlad, maitaguyod at mapreserba ang mga Filipino culture ng kanilang nasasakupan lugar at hikayatin ang malawakang partisipasyon ng kumunidad upang ang mga ito ay maprotektahan.
Dahil dito, ang Sangguniang Panlalawigan ay may mandato upang magpasa ng mga ordinansa gaya ng paglikha ng isang konseho na tututok sa promosyon ng kultura at sining ng lalawigan.
Ayon kay BM Pascual, kilala ang probinsiya ng Cagayan dahil mayaman ito sa kultura at sining. “Mainam na ang pagtatag sa nasabing konseho ay hindi lamang sa provincial level kundi kasama na dito ang municipal/city council for culture and arts,” aniya.
“Layunin din ng nasabing konseho na suportahan at itaguyod ang kapakanan ng mga Cagayano artists gayundin ang mga cultural workers upang mas lalong makilala ang ating mayaman na kultura.
Dahil naniniwala ako na ang kanilang pagkamalikhain ay malaking aspeto upang mas lalong mapaunlad an gating probinsiya,” dagdag pa ni BM Pascual.
Kaunay nito, agad na inaprubahan ng SP ang nasabing ordinansa sa unang pagbasa at umaasa sila na ito ay tuluyan ng maaprubahan.
(EMELYNE TARRANGCO-MAPPALA,DPA)