News

MGA BAGONG CAGAYANO ACHIEVERS, PINARANGALAN

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 09:23 AM, August 9, 2017

PRESS RELEASE NO. 12-08
August 08, 2017

MGA BAGONG CAGAYANO ACHIEVERS, PINARANGALAN

Pinarangalan kamakailan ng Sangguniang Panlalawigan ang mga bagong Cagayano Achievers na nagpamalas ng husay at talino sa iba’t ibang larangan at nagbigay ng karangalan sa ating probinsiya.

Ito ay sa pamamagitan ng indibiduwal na resolusyon sa mga Cagayano Achievers upang mabigyan ng pagkilala at pagpupugay sa mga ito. Isa ring mabisang paraan upang mahikayat ang iba pang Cagayano na magpursigi sa kanilang piniling larangan.

Nagbibigay din ng inspirasyon sa mga iba pang Cagayano na patuloy na gumagawa ng pangalan upang makilala saan mang sulok ng mundo ang kanilang angkin na talino.

Isa sa mga pinarangalan ay si RAZOR DAVE SAMORTIN ng bayan ng Gonzaga kung saan nagtapos bilang Magna Cum Laude at CHRISTOPHER T. BUSILAN ng barangay Furagui, Solana bilang Cum Laude sa Philippine Merchant Maritime Academy.

Kinilala rin ang galing ni PATRICK MARTINEZ ng Claveria Central School sa kaniyang pinamalas na husay sa katatapos na 2017 Palarong Pambansa. Kasama ring pinarangalan ang kaniyang coach na si GIOVANNI CALIVA.

Hindi rin nagpahuli si MARK ADRIAN S. AGUDA ng Malasin Elementary School sa bayan ng Claveria bilang qualifier sa elementary level sa Palarong Pambansa gayundin si RODEL AGCAOILI bilang coach nito.

Sa katatapos na 2017 National Schools Press Conference, binigyan din ng pagpupugay si LOUISSA CELIGH DE PERALTA ng Claveria Central School bilang national qualifier kasama na rito si JACKELYN CAMPOS bilang coach sa nasabing kumpetisyon.

Samantala, pinarangalan din ang Barsat East Day Care Center bilang 2nd Place sa Early Learning School Rural Category at RESCUE 116 ng bayan ng Baggao bilang 3RD sa Basic Government Emergency Management Service Category sa katatapos na 2017 National Gawad Kalasag National Award.

(EMELYNE TARRANGCO-MAPPALA)