News

LAHAT NG KAWANI AT OPISYALES NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, OBLIGADONG SUMAILALIM SA MANDATORY DRUG TESTING!

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 04:20 PM, August 8, 2017

PRESS RELEASE NO. 11-08
August 08, 2017

LAHAT NG KAWANI AT OPISYALES NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, OBLIGADONG SUMAILALIM SA MANDATORY DRUG TESTING!

Ipinag-utos ngayon ni Gov. Manuel Mamba na obligadong magpasailalim sa Mandatory Drug Testing ang lahat ng empleyado at personnel ng Provincial Government of Cagayan.

Sa ipinalabas na Memorandum ng gobernador, direkta nitong inaatasan lahat ng kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, Provincial Jail Guards at lahat ng miyembro ng Provincial Security Group na magpa mandatory drug testing at isumite sa kani-kanilang Department Heads ang resulta nito.

Nakasaad sa atas na nakabatay ang direktiba sa itinatakda ng 1987 Constitution, Administrative Code of 1987 at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na kailangan matiyak na drug-free ang mga kawani ng pamahalaan para matiyak integridad bukod sa episyente ang paglilingkod.

Una rito sa flagraising ceremony kahapon sa Kapitolyo ay agarang inatasan ng gobernador na sumailalim agad sa drug test ang lahat ng Provincial Jail Guards at Provincial Security Group.

Ito ay matapos mapaslang ang isang miyembro ng Provincial Jail Guard kamakalawa sa bayan ng Peñablanca na inuugnay ang krimen sa droga.

Matatandaang pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang Michael Benedick Battung, miyembro ng Provincial Security Group ng Kapitolyo ng hindi pa natutukoy na mga salarin.

Si Battung diumano ay nasa listahan ng Philippine Drug Enforcemeny Agency na klasipikado na high-value-target.

Matatandaang pag-upo pa lamang ni Gov. Mamba sa pwesto ay pinangunahan nito ang pagsailalim sa mandatory drug testing at naglabas ng direktiba na magpatupad ng random drug testing sa mga kawani ng Kapitolyo.

Hayagan din ang buong suporta ni Gov. Mamba sa krusada ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa illegal drugs, korapsyon, terorismo at insurhensiya.

Sa kaugnay na ulat, pinangunahan ni Dr. Nicasio Galano, Hepe ng Tuao District Hospital ang pagtalima sa direktiba ng gobernador.

Sumailalim ngayong araw sa mandatory drug testing ang buong kawani ng nasabing ospital na pinangangasiwaan ng Pamahalaang Panlalawigan.###