News

IPINASANG ORDINANSA NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NA LAYONG PAUTANGIN ANG MGA FARMER COOPERATIVES, BINETO NI GOV. MAMBA!

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 03:44 PM, August 8, 2017

PRESS RELEASE NO. 09-09
August 08, 2017

IPINASANG ORDINANSA NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NA LAYONG PAUTANGIN ANG MGA FARMER COOPERATIVES, BINETO NI GOV. MAMBA!

HIGIT 36-NA-MILYONG PISONG PINAUTANG NG NAGDAANG ADMINISTRASYON HINDI PA NASISINGIL!

Bineto o hindi nilagdaan ni Gov. Manuel Mamba ang ipinasang ordinansa ng Sangguniang Panlalawigan na layon ay magbigay ng agricultural production loans sa mga kooperatiba at mga farmer-associations.

Sa kaniyang veto message sa Provincial Board, inilatag ng gobernador mga batayan kung bakit hindi nito sinang-ayunan ang nasabing ordinansa.

Una rito ay mismong ang Commission on Audit (COA) ang nakapuna sa kanila Audit Observation Memorandum na may higit 36-na-milyong-piso ang hindi pa nakokolekta sa mga pinautang sa ilalim ng Micro Financing Assistance Program ng Peoples Action Center ng nagdaang administrasyon.

Katunayan ay 58-libong piso lamang ang nakokolekta ng Provincial Treasurer’s Office sa higit 36-na-milyong-piso na pinautang ng PAC sa mga indibidwal at mga organisasyon.

Bukod dito ay may mga nagreklamo sa tanggapan ni Gov. Mamba na kalahati lamang ang natanggap nilang halaga ng salapi kumpara sa nakalagay na inutang nila sa demand letter ng Treasurer’s Office.

Dahil dito hindi makwtwiran na muling magpapautang ang Pamahalaang Panlalawigan gayong milyon-milyong piso pa ang hindi nasisingil sa tila maanomalya pa ang pautang ng nagdaang administrasyon.

Ayon kay Gov. Mamba kung sakali man na magpapautang muli ang Kapitolyo ay mas mainam na katuwang nito ang isang bangko na may teknikal na kakayahan sa nasabing usapin.

Kaugnay nito, ipinunto pa ng ama ng lalawigan na may kasalukuyang Credit Surety Fund (CSF) para sa Micro Small and Medium Enterprise na maaring tumulong sa mga kooperatiba at farmer organizations.

May pinasok na kasunduan ang Pamahalaang Panlalawigan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Development Bank of the Philippines (DBP), Land Bank of the Philippines (LBP), Industrial Guarantee and Loan Fund at Alcala Municipal Employees Credit Cooperative na layong tulungan ang credit worthiness ng mga kooperatiba para makautang sa mga bangko.

May inilaan pa nga aniya na 5-milyong piso ang Provincial Government sa CSF kaya kung aayunan nito ang nasabing bagong ordinansa at taliwas ito sa layunin ng nasabing pondo.

Samantala, pinuna din ni Gov. Mamba ang Section 03 ng nasabing ordinansa na tahasan aniyang inaapakan ang kapangyarihan ng Executive Department ng Pamahalaang Panlalawigan.

Ang pagbuo ng Provincial Loans for Cooperatives and Farmers Association Committee na pamumunuan ng isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ay direktang paglabag sa prinsipyo ng
separation of powers bukod pa sa tahasan itong pag-apak sa kapangyarihan ng Ehekutibo.

Diin ni Gov. Mamba na tanging ang punong ehekutibo lamang ang binigyan ng kapangyarihan ng Local Government Code na bukod tanging may karapatan na magpatupad ng mga proyekto, programa, serbisyo at aktibidad ng Pamahalaang Panlalawigan.

Hindi ito aniya pwedeng panghimasukan ng Sangguniang Panlalawigan na ikinukubli sa pamamagitan ng mga ipinapasang ordinansa.###