News

EMERGENCY MEETING NG LOCAL HEALTH BOARD ISASAGAWA

Patuloy ang Pamahalaang Panlalawigan sa paghahanap ng solusyon upang maibsan ang epekto ng pagkakabinbin ng pagkakapasa ng panukalang 2017 Executive Budget ng lalawigan ng Cagayan.
Sa panayamkay Dr. Carlos Cortina III, Provincial Health Oficer ng Cagayan, sinabi nitong ngayong Sabado, Mayo 20,2017 ay magkakaroon ng pagpupulong ang Provincial Local health Board upang talakayin ang ilang mga hakbangin upang masolusyunan ang problema ng pagkakabinbin ng budget at ang epekto nito sa mga programa ng Provincial Health Office.
Ang kagustuhan umano ni Cagayan Governor Manuel N.Mamba na maipagpatuloy ng PHO at ng 12 mga District Hospitals ang kanilang serbisyo sa mamamayan ng Cagayan ang pangunahing dahilan ng pagpupulong.
Partikular na tatalakayin sa meeting ang panukalang paggamit ng Trust Fund na nagmumula sa PhilHealth Reimbursement para sa pangangailangan sa operasyon ng mga ospital ng lalawigan. Lubha umanong malaki ang magiging epekto ng pagbagsak ng kalidad ng mga ospital ng Cagayan sakaling hindi ito makasunod sa mga panuntunan ng Department of Health at maging ng PhilHealth mismo, dagdag pa ni Dr. Cortina.
Makakasama ng Provincial Health Board sa pagpupulong ang Commision on Audit at Finance Committee ng Pamahalaang Panlalawigan upang talakayin kung maaaring direktang magamit ang naturang pondo para panustos sa mga pangangailangn ng mga ospital sa lalawigan.
Panghuli, umaasa parin si Dr. Cortina n asana ay tumugon na ang mga kinauukulan na maipasa ang panukalang 2017 Executive Budget upang maipagpatuloy ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga magagandang programa nito para sa mga kababayan nating Cagayano.
Eugene Carlo Tolosa