News

DEEP SEA HAIRTAIL FISHING TRAINING ISINAGAWA SA CLAVERIA

Ang mapalawig at mapaunlad ang kakayahan at kaalaman ng mga mangingisda sa bayan ng Claveria, Cagayan ang isa sa mga pangunahing layunin ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng lalawigan ng Cagayan.
Anim na mga Fisherfolk Association ang nabigyan ng Technology Transfer Training sa larangan ng Deep Sea Hairtail Fishing noong Lunes Ika- 15 ng Mayo, 2017. Pinangunahan ni Pearlita Lucia Mabasa, Provincial Agriculturist ng lalawigan ang programa kung saan ang mga grupo ng mga mangingisda ay naturuan kung papaano gumawa ng fishing tool ng kung tawagin ay Karete.
Ang karete ay isang makabagong kagamitang pangingisda na sadyang ginawa para sa panghuhuli ng isdang Hairtail o mas kilala sa lokal nitong pangalan na Bulung Unas.
Sa panayam kay Mabasa, sinabi nitong matagal ng binalak ng kanyang opisina na magsagawa ng ganitong pagsasanay para sa mga mangingisda ng Claveria ngunit ng dahil na rin sa mga pinagdaanan ng lalawigan ng nakaraang taon ay naantala ang naturang aktibidad. Kaya naman ngayong taon ay kanyang siniguro na maisasagawa ang naturang pagsasanay sa bayan ng Claveria.
Maging si Senior Agriculturist Melvin Mangauil na siyang naitalagang mangasiwa sa naganap na programa ay masayang masaya para sa mga mangingisda ng Claveria dahil sa malaking potensiyal na idudulot ng kanilang pagsasanay sa pag-unlad ng industriya ng pangingisda ng Hair Tail o Bulung Unas.
Sa pagsisiyasat ng OPA, sinabi ni Mangauil na ang isdang HairTail ay laganap sa karagatan ng Claveria at ang karagdagang kaalaman na kanilang ibinahagi sa mga grupo ng mangingisda ay magdudulot ng pagtaas ng kita ng mga nangangalap ng isda sa naturang bayan.
Sa tala ng munisipyo ng Claveria aabot ng may 3000 mangingisda ang kasali sa anim na Fisherfolk Association ng bayan ng Claveria.
Ang anim na assosasyon na nakatanggap ng libreng mga kagamitan mula sa OPA ay ang Ubing Ubing Fisherfolk Association, Luttuad Fisherfolk Association, Claveria Beach Seiners Fisherfolk Association, Taggat Norte at Taggat Sur Fisherfolk Association.
(Eugene Carlo Caleda Tolosa)