News

BRGY. CHAIRMAN NG CENTRO EAST, BALLESTEROS, CAGAYAN SUGATAN HABANG ISA NITONG KASAMAHAN PATAY MATAPOS PAGBABARILIN SA TUGUEGARAO CITY NGAYONG ARAW!

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 09:42 AM, August 9, 2017

POLICE REPORT
AUGUST 08, 2017

BRGY. CHAIRMAN NG CENTRO EAST, BALLESTEROS, CAGAYAN SUGATAN HABANG ISA NITONG KASAMAHAN PATAY MATAPOS PAGBABARILIN SA TUGUEGARAO CITY NGAYONG ARAW!

Sugatan sa pamamaril ang Barangay Chairman ng Centro East, Ballesteros, Cagayan habang patay ang kasama nito sa loob ng sasakyan matapos pagbabarilin sa Lungsod ng Tuguegarao ngayong araw.

Kinilala ng PNP Tuguegarao ang sugatang biktima na si Jennifer Tan y Pascua, 48 years old, may-asawa at Punong Barangay ng Centro East, Ballesteros, Cagayan.

Patay naman ang kasama ni Tan sa loob ng sasakyan na kinilala sa pangalang Wilferio Uclos y Rubin, 60-taong gulang, may-asawa, magsasaka at residente ng Mabbutal East, Ballesteros, Cagayan.

Hindi pa mabatid ang kalagayan ng isa pang kasama ni Tan na kinilala lamang sa pangalang “Sheng Sheng” kung saan kapwa nilalapatan ng lunas ang dalawa sa isang pagamutan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng mga biktima ang kahabaan ng Luna St. sa bahagi ng Ugac Highway sa syudad ng Tuguegarao sakay ng isang itim na Isuzu MUX na may plakang AIA 5110 pasado alas-tres ng hapon kanina.

Habang nasa tapat ng isang Petron gasoline station ay bigla umanong pinagbabaril ang harapang bahagi ng sasakyan ng dalawang hindi pa nakikilalang gunmen na nakasakaysa isang motorsiklo.

Pinaulanan ng bala ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril ang kanang pintuan ng sasakyan ng biktima bago ang mga ito tumakas.

Nagawa umanong imaneho pa ni Brgy. Chairman Tan ang sasakyan para isugod sila sa pinakamalapit na ospital kung saan binawian ng buhay si Uclos habang nilalapatan ng lunas ang Kapitana at isa pang kasama.

Kasalukuyan pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP Tuguegarao sa pangyayari.