Activity / Event

PARADA NG CAGAYAN FOLK DANCES: ISANG MAKULAY AT MASAYANG PAGTATANGHAL SA ARAW MISMO NG AGGAO NAC CAGAYAN 2017

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 01:45 PM, June 29, 2017

Isang makulay at masayang pagtatanghal ng mga Cagayan Folk Dances mula sa iba’t ibang high schools sa probinsiya ang natunghayan ngayon, araw mismo ng Aggao Nac Cagayan, ika-29 ng Hunyo, 2017 sa Capitol grounds.

Matapos ang misa na pinangunahan ni Bishop-elect Danilo Ulep, binuksan ang pagtatanghal sa lahat ng dumalo sa 434th kapistahan ng pagkakatatag ng lokal na pamahalaan ng probinsiya.

Iba’t ibang sayaw ng Cagayan ang ipinakita ng mahigit 200 na mag-aaral mula sa Claveria Rural and Vocational School, Lallo National High School, Baggao National High School, Claveria School of Arts and Trades, Itawes National High School, Lemu National High School, Solana Freshwater School of Fishery, Amulung National High School, Gammad National High School, Libertad National High School, Camalaniugan National High School, Vicente Trinidad National High School, David Puzon National High School, Licerio Cagayan National High School Main, Illuru National High School, Baua National High School, Ballesteros National High School, Pacac Grande National High School, Penablanca National High School, Allacapan National High School, Tuao Vocational and Technical School Main at Culong, Itawes National Agricultural and Technical School at Sanchez Mira National High School.

Ayon kay Arnold Alonzo ang Consultant on Socio-cultural Affairs ng Pamahalaang Panlalawigan at punong-abala ng aktibidad ngayong umaga at ng iba’t ibang cultural presentations sa Aggao Nac Cagayan celebration, ang Parade ng Cagayan Folk Dances ay isinagawa upang ipakita ang makulay at hitik na kultura at sining ng Cagayan sa pamamagitan ng ating mga sariling sayaw.

Ang Bannag, La Jota Cagayana Enrile Version, La Jota Lalloquena, La Jota Cagayana Ybanag Version, Osonet, Valse Ybanag, Kalingkingan at Maskota ang mga ipinakitang sayaw.
Sa mensahe naman ni Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, ang Officer-in-charge ng Provincial Tourism Office kanyang inulit at idiniin ang pahayag ni Bishop-elect Danilo Ulep sa misang isinagawa bago ang pagtatanghal, na kailangan bawat isa sa atin at magbigay ng kontribusyon sa ikauunlad ng lalawigan.

“Maniwala tayo sa liderato ng ating mga pinuno at maniwala tayo sa ating sariling kakayahan.

Sa pamamagitan nitong aktibidad na ito muli nating makikilala ang ating kultura at mga kaugalian sa gitna ng ating pagkakaiba.

Tunay ngang mabibigyan natin ng diin ang ating tema sa taong ito, ‘Paddarafunan’ na humihimok sa ating lahat na magsama-sama para mapalago ang ating kultura,” dagdag pa ni Atty. Villaflor.

Samantala, pinasalamatan naman ng ama ng lalawigan na si Governor Manuel N. Mamba ang lahat ng nakilahok sa cultural presentations sa selebrasyon ng kapistahan ng lalawigan.

Kanyang binati ang Department of Education, lalo na ang mga teachers, trainors, supervisors at superintendents na siyang katuwang ng Tourism Office sa pagsasagawa ng cultural shows ngayong Aggao Nac Cagayan.

Nagtapos naman ang pagtatanghal sa pamamagitan ng isang parada sa indak ng “Maskota” na masayang sinalihan ng Gobernador at kanyang maybahay na si Atty. Mabel Villarica-Mamba, mga department heads at empleyado ng Kapitolyo at iba’t ibang bisita.

(MIELMIA MARIE T. BAQUIRAN)